CALUMPITEÑOS, alam mo ba?

BALITE

Batay sa pananaliksik at ayon nadin sa kwento ng mga matatanda ng nayon, maaaring ang pangalan na barangay na ito ay hango sa mga puno ng balite o balete na noo’y mayabong na tumutubo sa pook na ito.

BULUSAN

Dating baryo Matungaw. Sa pagtagal ng panahon ang pook na ito ay ginawang pastulan ng mga kalabaw, napalitan ng bulusan ang pangalan, dahil nangangahulugan iyon ng “bulus o bulusan” sapagkat doon nanginginain ang mga kalabaw bagamat nakasuga ang mga ito sa mahabang lubid.

BALUNGAO

Buhat sa salitang “lungao o concave” na siyang hugis ng lupaing narito, kung kaya’t minarapat na tawaging Balungao ang nayong ito.

BUGUION

Ayon sa kwento noo’y may isang kastilang naglalakad, na nakarinig ng isang tunog “bog-bog-bog” sa lupa. Tinanong niya sa kasamang katutubo kung ano iyon? Sinagot naman siya ng “Bog iyon”. Dahil dito Bog iyon ang naging tawag sa pook na ito nang lumaon ay naging Buguion.

CALIZON

Batay sa pisikal na anyo nito, ito ay may makipot na lugar kung kaya’t maaaring nagbuhat ito sa salitang kastila na Callejon, at sa halip “j” ang gamitin ay nagiging “s” hanggang sa ito ay nakasanayan, kaya ang Callejon naging Calison o Calizon.

CALUMPANG

Ang pinagmulan ng ngalan ng barangay ay mula sa isang malaking puno ng kalumpang na matatagpuan dito na siyang ginagawang palataandaan ng mga dumaraan sa lugar na ito. Kaya’t nakilala ang pook na ito sa taguring Calumpang na siya naring ipinangalan sa barangay na ito.

CANIOGAN

Dating sapang putol ang ngalan ng pook na ito ngunit naging “kaniyugan” dahil maraming puno ng niyog na matatagpuan sa pook na ito. Napansin ito ng mga nagdaraan dito kaya nang nagsimula ng magbigay ng mga pangalan ng pook iminungkahi nilang tawagin itong “Caniogan”.

CORAZON

Ayon sa ilang matatanda ang ngalan ng barangay ay hango sa “Corazon de Jesus” o ang kamahal-mahalang puso ni Jesus na siyang pintakasing patron ng nayon. Ipinagdiriwang ang kapistahan ng kanilang patron tuwing buwan ng Hunyo, kapistahan ng kamahal-mahalang pusi ni Jesus.

FRANCES
 
Sinasabing minsan may isang banyagang pranses na nalunod sa ilog malapit sa pook na ito. Samantala isang sundalong kastila naman nagawi sa pook napansing nagkakagulo, siya’y lumapit at nagtanong kung ano ang pangalan ng pook, sa pag-aakala ng mga tao na ang tinatanong ng sundalo ay kung ano ang nangyayari sumagot ang mga tao ng “Frances, Frances” na ang ibig sabihi`y nalunod ang pranses, mula noon pinagalanan ang lugar na ito na barangay Frances.

GATBUCA

Hango sa dalawang salita, una ang “Gat” na nangangahulugang magiting o bayani. Ang “Buca/Boca” naman ay isang salitang kastila na nangangahulugang “bunganga”. Kapag ito ay pinagsama magiging “Gatbuca” nangangahulugan bayani ng pakikipag-usap.
Sinasabing si Gatbuca ay isang magiting na mamamayan na naninirahan sa pook na ito noong unang panahon kaya`t napagpasyahang ipangalan sakanya ang pook na ito.

GUGO
 
Noon ang lugar na ito ay isang malaking kagubatan na hinawan at natagpuan ang isang malaking punong kahoy na kinilalang “puno ng gugo”, naging kilala ang pook na ito sa taguring Gugo dahil ito ang nagiging palatandaan ng mga dumaraan dito hanggang sa paglipas ng mahabang panahon ito na ang naging pangalan ng lugar.

IBA ESTE

Ang pangalan nayong ito ay hango sa mga halaman na kung tawagin ay “iba o malaiba” na noo’y mayabong na tumutubo sa pook na ito. Tinaguriang “Este” ibig sabihi’y iba sa silangan upang ipagkaiba sa mga barangay na may katulad ng ngalan.

IBA O’ESTE

Dating bahagi ng nayon ng Iba Este dahilan sa ito ay nahahati ng ilog, ito ay pinaghiwalay ang nasa gawing silangan ay tinawag na “Iba Este” at ang isa naman sa gawing kanluran na tinawag namang “Iba O`Este”. Ang este at o’este ay hango sa salitang kastila na ang ibig sabihi’y silangan at kanluran.

LONGOS

Ayon sa matatanda sa tuwing itatanong sa kanila kung ano ang pangalan ng barangay na ito ay naisasagot na lamang ng mga tagarito ay dulong nayon sapagkat ito ay ang pinakadulo ng bayan ng Calumpit bago dumating sa bayan ng Malolos. Hanggang sa bandang huli ito ay naging “Longos” hango sa mas malalim na salitang ungos o dulong nayon.

MEYSULAO

Isang masukal na pook ito, putikan ang lupa sa tag-ulan kaya maraming isda ang nahuhuli rito. Gabi-gabi maraming dumarayo sa pook na ito upang mangisda. Mula sa malayo parang may prusisyong nagaganap sa pook na ito dahil sa nakahanay ang mga sulo o ilaw, dahil dito tinawag itong lugar na mayroong sulo o ilaw, hanggang sa ito ay pinaikli at naging “Meysulao”.

MEYTO

Naitala na ang pangalang Meyto ay nanggaling sa pangalan ng isdang hito, kung saan isang dayuhang kastila ang nagtatanong sa isang mangingisda kung anong sitio ang kanyang kinaroroonan na ang isinagot ng nasabing mangingisda ay “may hito” sa pag-aakalang tinatanong ng dayuhan kung ano ang kanyang ginagawa.

PALIMBANG

Maaaring ang pangalan ng lugar na ito ay galing o hango sa salitang istampan o limbag. Dahil ayon sa ilang tala noon ang pook na ito ay dating palimbagan ng mga aklat at iba pa, kung kaya`t minarapat ng mga naninirahan dito na ito`y tawaging “Palimbag o Palimbang”.

PANDUCOT

Ito ay latian sa kabilang ibayo ng San Jose na noo`y may malalagong taniman ng pandan. Ang pook na ito ay sagana sa sari-saring uri ng mga isda, dahilan upang ang pangunahing hanapbuhay ng mga naninirahan sa pook na ito ay ang pangingisda. Iisang paraan lamang ang ginagawa nilang panghuhuli, dinudukot nila ang mga isda sa pagitan ng mga halamang pandan at naging palasak ang mga salitang “pandan at dukot” nang lumaon ay naging “Pandukot”

PIO CRUZCOSA

Si Tinyente Pio Cruzcosa ay tubong Calumpang, kilala siya sa kagitingan at katapangan noong panahon ng pag-aalsa laban sa mga dayuhan. Siya’y sinawing palad na napatay habang sinusuyod ang kumbento ng simbahan ng Calumpit upang hanapin ang nagtatagong dayuhan. Bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan ang dating tinatawag na “kalsadang putol” ay minarapat na pangalanang barangay “Pio Cruzcosa”.

POBLACION

Ang pook na ito ang sentro ng pangangalakal at komersyo noong panahon ng mga kastila kung kaya`t ito ay tinawag na “Poblacion”. Sa tuwing sasapit ang ika-23 at 24 ng Hunyo ang lahat ng mamamayan sa barangay na ito ay abalang-abala para sa taunang libad o ligiran sa ilog at basaan, siyang maituturing na isa sa pinakamasayang pagdiriwang sa bayan ng Calumpit. Kung saan ang lahat ng nakikisaya ay binabasa ng tubig, ito ay bilang pasasalamat sa kanilang patrong si San Juan Bautista.

PUNGO

Noong panahon ng kastila ang mga sundalo ay naligaw sa pook na ito at ipinagtanong kung anong ngalan ng pook na nakaturo sa isang puno, hindi gaanong malakas ang pagkakabigkas at hindi rin gaanong malinaw ang kanilang pagka-iintindi sa salita kung kaya`t imbis na “Puno ay Pungo” ang kanilang naisulat nang itala ang pangalan ng mga pook.
Ayon naman sa isang salaysay ito ay hango sa salitang Bungo, dahil nang mga panahong gumawa ng mapa para sa pook na ito upang matugis ang mga gerilya, hugis bungo ang lumabas sa mapa. Ito ay naging Pungo dahil sa pilipit na dila ng mga dayuhan, at upang hindi rin katakutan ng mga tao ang pook na ito.

SAN JOSE

Noong 1883 ninais ng mga naninirahan sa pook na ito na isunod sa ngalan ng kanilang patron ang pangalan ng kanilang nayon kung kaya`t ito ay pinangalanang “San Jose”. Ayon din sa isang alamat na sinasabi ng matatanda tungkol kay Malaki Balagtas na noo`y namumuno sa pook na ito. At nang siya ay bininyagan ng mga kastila pinalitan ang kanyang pangalan ng “Jose”.

SAN MARCOS

Ang ngalan ng pook na ito ay hango sa pangalan ng kanilang patrong si “San Marcos Evangelista” na kung tawagi`y “Apo Angko”. Ipinagdiriwang ang kapistahan ng kanilang patron tuwing ika-25 ng Abril kasama ng mga nayon ng Palimbang at Pio Cruzcosa.

SAN MIGUEL

Noong una ang ngalan ng nayon ay “Pinagbuhatan”, ngunit ito ay pinalitan ng San Miguel hango sa pangalan ng kanilang patrong si “San Miguel Arkanghel”. Maringal na ipinagdiriwang ang kapistahan ng kanilang patron tuwing ika-8 ng Mayo taun-taon.

STA. LUCIA

Ito ay isang malaking barangay sa baybayin ng ilog na kung saan isang bisita ang ipinagawa ng mga paring kastila sa ilalim ng pamimintuho kay Sta. Lucia. Dito rin hinango ang pangalan ng pook. Kilala ang patron na milagrosa at nakapagpapagaling ng maysakit sa mata. Ipinagdiriwang kanyang kapistahan sa tuwing sasapit ang ika-13 ng Disyembre.

STO. NIÑO

Hango sa pangalan ng patron ng pook na ito ang ngalan ng nayon. Ito ay ang banal na sanggol na mas kilala sa taguring Sto. Niño, kung saan ipinagdiriwang ang kanyang kapistahan tuwing ikatlong Linggo ng Enero.

SAPANG BAYAN

Ayon sa tala ng ilang matatanda ng nayon, ang pook na ito ay dating bahagi ng kabayanan at ito ay napaliligiran ng mga sapa. Nang ito ay ihiwalay upang maging isang ganap na barangay minarapat ng mga naninirahan dito na ito ay tawaging “Sapang Bayan”.

SERGIO BAYAN

Ang pook na ito ay dating bahagi ng nayon ng Balite at San Antonio (ngayo`y Buguion). Dahil sa pagkakaisa at hangarin ng pagsasarili ipinasya nilang hilingin na hatiin ang mga nasabing nayon.
At bilang parangal sa kadakilaan ni Sergio S. Bayan, dating Punong Lungsod ng Baguio City, Kalihim ng Kagawaran ng mga Pagawaing Bayan at Lansangan (DPWH), at tubong Calumpit, Ipinagpasyang pangalanang “Sergio Bayan” ang nayong ito.

SUCOL

Maaaring ang pangalang “Sukol” ay hango sa salitang pagkakasukol o nasukol. Dahil sinasabing noong panahong ng pananakop ng mga dayuhan sa lugar na ito nasukol ng mga sundalong kastila sa mga katipunerong nagsilikas. Dahil dito ang pook ay nakilala sa tawag na sukol o lugar na nasukol.